Pag-kiss ni Ryan Agoncillo kay Yohan sa lips hindi aprub sa ilang netizens
Ryan Agoncillo, Judy Ann Santos, Yohan, Lucho at Luna Agoncillo
IPINAGTANGGOL nina Ogie Diaz at Mama Loi sa kanilang “Showbiz Update” YouTube channel ang mag-amang Ryan Agoncillo at Yohan Agoncillo sa isyung kinasasangkutan nila ngayon.
Marami kasi ang nag-react nang mag-smack sina Ryan at Yohan pagkatapos ng isang car racing event.
Say ni Ogie, “Ito madalas nating makita sa TikTok at sa Facebook na hanggang ngayon ay isyu ‘yung pagki-kiss ni Ryan Agoncillo sa kanyang daughter na si Yohan sa lips (ipinakita ang video na nag-kiss ang mag-ama). ‘Yan ngayon ang pina-uusapan Mama Loi.
“May mga nagre-react at may mga nagtatanggol,” sabi naman ni Mama Loi.
Ipinakita ang mga komento ng netizens na may pumupuri dahil ang sweet ng mag-ama pero may mga nagtatanong kung bakit kailangang sa lips pa halikan.
Pagpapatuloy ni Ogie, “Ang isyu kasi rito bakit daw hinahalikan pa rin ni Ryan Agoncillo ‘yung kanyang daughter sa lips samantalang ito ay dalaga na dapat daw ay hindi ginagawa. Sinasabi ng iba lalo na raw at adopted hindi niya biological daughter. Bakit mayroong ganu’n?”
Para kay Ogie bilang daddy ng limang anak niyang babae, “Ako bilang biological dad hindi ko naman ginagawa ‘yung ganu’n, hindi ko naman ginagawa ‘yung sa anak ko, so, dapat kong gawin dahil biological ako?”
Tanong ni Mama Loi, “Ikaw ba hinahalikan mo sa lips ang mga anak mo?”
“Hindi, inaakbayan ko tapos inaangklahan kong ganu’n (minuwestra) ganu’n lang pero para hindi halikan si lips? Nu’ng mga bata sila hinahalikan ko sa lips,” ani Ogie.
Dagdag pa, “Pero ako na mismo nakaramdam na kapag lumalaki na sila, e, medyo awkward na, sa akin lang ‘yun, ha.”
Hirit ni Mama Loi, “Naku ‘Nay baka ma-misinterpret nilang against ka du’n (sa pag-smacl nina Ryan at Yohan).”
Mabilis na sagot ni Ogie, “No, no. Sa akin ‘yun Mama Loi! Hindi ko naman alam sa ibang tatay. Tulad niyang si Ryan, iba-iba ‘yung opinyon ng mga tao, hati (ipinakita ulit ibang komento ng netizens).
“Pero mas marami ang nagtatanggol. Kasi unang-una wala naman tayo do’n sa loob ng bahay (ng mga Agoncillo) bilang ganu’n ang dynamics nila bilang mag-ama kung nagki-kiss talaga sila sa lips,” ani Ogie.
Singit ni Mama Loi, “Kung ano ‘yung naging kultura’t nakasanayan nila sa bahay nila, di ba ‘Nay?”
Binasa ni Mama Loi ang ibang komento. Sabi ng isang netizen, “Many people will give malice on this first and of course, she (Yohan) is adopted, not real daughter of Ryan, second she already a grown up woman.”
“I don’t think it’s a good thing. Nothing malice about it, but everything has a limit. Kaya nga hindi maiwasang may nade-develop sa pagiging kamag-anak dahil sa ganyan, dapat may limitasyon, maling-mali,” komento ng isa pa.
Nabanggit naman ng “Showbiz Update” hosts na mas marami naman silang nabasang ipinagtatanggol sina Ryan at Yohan.
Kaya ang payo ni Ogie sa mga netizens, “Wag na nating bigyan ng malisya kasi hindi lang siguro sanay ang mga tao na nakakakita ng ganu’n kasi nga grown up na ‘yung bata ay humahalik pa sa lips ng magulang kasi nga ‘yung iba hindi sweet, ‘yung iba hindi kayang gawin kasi ‘yun at hindi nila nakagisnan kaya sila naninibago.”
Sabi pa na nandoon naman daw si Judy Ann Santos at pagkatapos halikan ni Yohan ang daddy niya ay ang mommy naman niya ang hinalikan at for sure magre-react naman daw ang mommy niya kung nakitaan niya ng malisya ang pag-kiss ng mag-ama.
Anyway, bukas ang BANDERA sa panig nina Juday at Ryan tungkol sa isyung ito.