Matet de Leon on rift with adoptive mother Nora Aunor
Matet de Leon: “Oras na para ipagtanggol ko ang sarili ko, ang mga kapatid ko.”
Matet de Leon (right) to her adoptive mother Nora Aunor (left):”Tuwing aawayin siya ng mga tao, tatawagin siyang adik, ginaganun siya, ang sakit-sakit sa akin nun. Ako ang unang-unang nakikipag-away sa comments. Ako unang-una na sumusuporta sa iyo, ako ang unang-una, tapos ganito?”
PHOTO/S: Screengrab @Ogie Diaz YouTube
Desidido si Matet de Leon na kailanman ay hindi na niya kakausapin ang kanyang adoptive mother na si Nora Aunor.
Ito’y matapos kumpitensiyahin ng sariling ina ang business niyang gourmet tuyo at tinapa.
Si Matet ay adopted daughter ni Nora at ng dating asawa nitong si Christopher de Leon.
Noong December 4, 2022, unang naglabas ng saloobin si Matet sa diumano’y direktang pagkalaban ng ina sa kanyang negosyo.
Ayon sa aktres, pakiramdam niya ay trinaydor siya ng adoptive mother at ipinamukha nitong “ampon lang siya.”
Sa latest vlog sa YouTube ni Ogie Diaz, muling naglabas ng hinanakit si Matet laban sa kanyang ina.
Hanggang ngayon ay masamang-masama pa rin ang kanyang loob sa ginawa ni Nora, lalo na’t nalaman daw niyang matagal na pala nila itong plano at itinago lamang sa kanya.
Lahad ni Matet, “Ang alam ko pa itinago nila sa akin, because the girlfriend of my brother—both of them—kasama sila sa nagbuo nito.
“Close ako kay Mommy, last week lang, wala kaming gulo. So, yun nga, last week lang tapos hindi sinabi sa akin, ayun yung kinakagulo ng isip ko.
“Kasama ko pa yung girlfriend [ng brother ko] kasi lilipat sila malapit sa bahay namin. Tinitingnan ako sa mata nung bagets nang parang walang nangyari.”
Himutok pa niya, “Bakit hindi niyo sinabi kung walang intensiyon na mang-asar? Yun lang naman kinainis ko.
“Pero kung gusto niya magtinda ngayon [walang problema]. Malaki nga ang Pilipinas, hindi lang naman Noranians ang market ko.
“Sa totoo lang, sa Noranians, siguro wala pang bente ang umoorder simula noong nagsimula ako.”
Hindi pinangalanan ni Matet kung sino ang “brother” na tinutukoy niya. Pero sa YouTube live ni Matet noong December 4 ay binanggit niya ang pangalan ng kapatid na si Kenneth.
Saad ni Matet noon: “Ito pa. Itong kapatid kong si Kenneth, kapatid ba kita? Impakto ka. Siraulo yun, e. E, hindi ko nga kapatid kasi ampon lang.
“Sabi ba naman, kung gusto daw ni Mommy magnegosyo, pabayaan ko na lang daw. Mag-resell na lang daw ako ng product ni Mommy at magtulungan kami.”
Gaya ni Matet, si Kenneth ay ampon din ni Nora. Ang dalawa pang ampon ng Superstar ay sina Lotlot de Leon at Kiko.
Si Ian de Leon ang nag-iisang biological son nina Nora at Christopher.
Balik sa panayam sa kanya ni Ogie, sinabi ni Matet na hindi niya alam kung may masama siyang nagawa sa ina para traydorin at saktan siya nang ganito ngayon.
Deklara pa niya: “Hindi ko na siya kakausapin ulit.
“Hindi na. Kasi, parang sa akin, ginawa ko na lahat, e.
“Tuwing aawayin siya ng mga tao, tatawagin siyang adik, ginaganun siya, ang sakit-sakit sa akin nun.
“‘Bakit niyo tinatawag ng ganun yung mommy ko?’ Ako ang unang-unang nakikipag-away sa comments. Napaka-squammy ko, di ba? Ang squatter ko.
“Pero wala aking pakialam, huwag niyong sasaktan kalooban ng nanay ko.
“Ako ang unang-unang gumagawa niyan. Kasi ang mga kapatid ko, mga sosyal, e, ako hindi, jologs talaga ako.”
Himutok niyang muli, “Ako unang-una na sumusuporta sa iyo, ako ang unang-una, tapos ganito?
“Hindi ko alam paano niya nagawa sa akin yung ganyan.”
“ORAS NA PARA IPAGTANGGOL KO ANG SARILI KO”
“Para kaming nakabusal, wala kaming puwedeng sabihin, para kaming nakatali, wala kaming dapat gawin. Tapos sasampal-sampalin lang kami ng mga tao.”
Ganito ilarawan ni Matet ang naging buhay nilang magkakapatid para huwag umanong masira ang nabuong pangalan ng kanilang ina.
Sa puntong ito ay hindi na napigilang maging emosyunal ni Matet nang alalahanin ang kanilang masalimuot na buhay sa ilang dekada nilang pananahimik.
Saad niya, “Mahirap… ayaw namin siyang [Nora] masira. Kaya nagpapasampal kami sa mga tao.
“Kung pagsalitaan kami akala mo nakatira sa bahay. Pero yung mismong nakatira sa bahay namin, na alam kung ano ang nangyayari, sila yung hindi nagsasalita.
“Ang hirap ng buhay namin. Kilala akong komedyante, kilala akong masayahin. Ang ate ko [Lotlot de Leon] kilalang mabait, ang kuya ko [Ian de Leon] kilala ring nakakatawa.
“Pero sa totoo, hindi alam ng marami ang bigat-bigat ng itinatago namin sa loob, na pinagtatawanan na lang namin.
“Hindi kami puwedeng magsalita, tingnan mo yung nangyari sa akin ngayon.
“Kahit na mali yung ginawa, ako pa rin ang [lumalabas na] mali.”
Dagdag pa ni Matet, “Oras na para ipagtanggol ko ang sarili ko, ang mga kapatid ko.”
Imbes na tuluyang magdamdam at magalit, mas gugustuhin na lang daw ni Matet na hindi kausapin pa ang ina at ituon na lamang ang atensiyon sa kanyang pamilya.
Aniya, “Sa akin, parang ayaw ko nang makipag-usap. Ang gusto ko na lang focus is sa mga anak ko. Doon ko na lang gustong mag-focus, sa asawa ko, sa relasyon ko sa pamilya ko.
“Doon ko na lang gustong ibuhos ang energy ko at sa betterment ko as a person.”
MATET DE LEON ON HANDLING BASHERS
Hindi maikakailang pagkatapos maglabas ng saloobin ni Matet sa social media ay bumuhos ang mga kumukuwestiyon sa kanyang pagiging mabuting anak.
Marami ang nagsasabi na wala siyang “utang na loob” sa pagpapalaki sa kanya ni Nora.
Hindi na raw ito bago kay Matet, kaya imbes na patulan pa ang mga nangungutya sa kanyang pagkatao ay pipiliin na lang niyang manahimik.
Sabi niya, “It doesn’t hurt me anymore. What they’re [bashers] saying because, number one, they don’t know the truth.
“Number two, they’re just there for the circus of all of this, ito yung gulo na ito.
“Next week, wala na ito. Nandiyan lang naman sila para makisawsaw.
“Whatever the trolls or the haters say, it doesn’t really matter.”
MATET DE LEON’S MESSAGE TO MOM NORA AUNOR
Sa kabila ng kinasasangkutan nilang gulo, hindi pa rin daw nawawala sa puso ni Matet ang pagmamahal at respeto niya sa ina.
Mensahe niya rito: “Makakaasa pa rin siya ng respeto galing sa amin at katahimikan sa mga hindi dapat pag-usapan. Sa mga taong hindi na dapat pag-usapan.
“Kaya lang, sana hindi na maulit yung mga ganitong parang asaran.
“Siyempre yung health niya, pinagdadasal ko gabi-gabi yan. Ayaw nating may mangyaring masama [sa kanya].
“Yun lang, this is to clear things out. This is not against my mom.”