Sabay-sabay na reaksyon sina Jake Ejercito, John Lapus, Arnold Clavio matapos arestuhin si Duterte… – News

Hustisya sa mga biktima ng EJKs o ExtraJudicial Killings!

Ito ang pare-parehong panawagan ng Kapamilya actor na si Jake Ejercito, actor-comedian na si John Lapus, at veteran broadcaster na si Arnold Clavio matapos ang pagkakaaresto kay former President Rodrigo Duterte.

Noong March 11, 2025, inaresto ng Philippine National Police (PNP) si Duterte sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport, makaraan niyang makarating sa bansa buhat sa Hong Kong.

Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest ng ICC (International Criminal Court) dahil sa krimen umano nito laban sa sangkatauhan na ginawa niya habang siya ang nakaupo bilang Pangulo ng Pilipinas mula Hunyo 2016 hanggang Hunyo 22, 2022.

Marami sa masugid na tagasuporta ni Duterte ang nagulat at nabahala sa pagkakaaresto sa kanya.

Pero mayroon ding positibo ang naging reaksiyon dahil sa wakas daw ay mapagbabayaran na ng dating Pangulo ang mga kasalanan nito noong siya pa ang nakaupo sa Malacañang.

JAKE EJERCITO, ARNOLD CLAVIO REMEMBER KIAN DELOS SANTOS

Kabilang sa nagpahayag ng kanyang saloobin sa pagkaaresto kay Duterte ay ang aktor na si Jake Ejercito.

Sa kanyang Facebook page nitong Martes, March 11, ibinahagi ni Jake ang huling salitang binitawan ni Kian Delos Santos bago ito patayin sa gitna ng anti-drug campaign sa Caloocan City, noong 2017.

Isa si Kian sa mga menor-de-edad na walang-awang pinaslang ng mga awtoridad kaugnay ng malawakang kampanya ng administrasyong Duterte kontra-droga.

Labimpitong (17) taong gulang lang noon si Kian nang pagbabarilin ng pulisya matapos mapagkamalang tulak ng droga.

Mababasa sa quote card na may larawan ni Kian: “Tama na po! Tama na po! May test pa ako bukas…”

Makahulugang caption ni Jake sa kanyang post: “Ang mali ay may bayad, at ngayon na ang singilan.”

Si Jake ay anak ni dating Pangulong Joseph Estrada sa dating aktres na si Laarni Enriquez.

Jake Ejercito, John Lapus, Arnold Clavio react on Rodrigo Duterte's arrest

Photo/s: Jake Ejercito on Facebook

CONTINUE READING BELOW ↓

 NOOD KA MUNA!

Ganito rin ang sentimiyento ng GMA Integrated News anchor na si Arnold Clavio nang i-post niya sa Instagram ang parehong quote card.

Sa caption, sinabi ni Arnold na hindi katanggap-tanggap na gawing dahilan ang edad ni Duterte, 79, para ito’y kaawaan.

Ang mga menor-de-edad daw na napaslang noon sa administrasyon ng dating Pangulo ay hindi naman nagawang kaawaan ng mga awtoridad.

Mababasa sa post ni Arnold (published as is): “EHEM : Sabi nila , “HINDI NA SILA NAAWA KAY DUTERTE , MATANDA NA! “

“Teka , noong WALANG AWA nilang pinatay sina si Kian , 17 yrs. old , si Joshua , 17 yrs. old , si Jemboy , 17 yrs. old , NAAWA ba sila sa mga menor de edad ?

“Sa araw na ito , simula ninyo nang makamit ang katarungan .”

Jake Ejercito, John Lapus, Arnold Clavio react on Rodrigo Duterte's arrest

Photo/s: Arnold Clavio on Instagram

JOHN LAPUS PRAYS for Duterte’s imprisonment

Nais din mapanagot ni John Lapus si Duterte sa madugo nitong kampanya kontra-droga na kumitil sa libu-libong Pilipinong tinatayang walang kalaban-laban at hindi dumaan sa tamang proseso.

Sa X (dating Twitter), ni-repost ni John ang isang artikulo tungkol sa panawagan sa publiko ni Senator Bong Go, malapit na kaalyado ni Duterte, na ipanalangin ang kalayaan ng dating Presidente.

Ngunit imbes na suportahan, taliwas ang naging tugon dito ni John.

Saad niya, “I pray na makulong [pray sign emoji].”

Jake Ejercito, John Lapus, Arnold Clavio react on Rodrigo Duterte's arrest

Photo/s: John Lapus on X

SENATOR RISA HONTIVEROS URGES DUTERTE to face THE ICC

Bukod kina Jake, Clavio, at John, nagpaabot din ng suporta sa libu-libong pamilyang humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay, noong Duterte administration, ang senador na si Risa Hontiveros.

Mababasang post ng senador sa Facebook (published as is): “Dumating na ang araw na hinihintay ng mga pamilya ng libo-libong Pilipino na napatay sa madugong ‘tokhang’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pinanghahawakan ko ang mga sinabi ni dating Pangulong Duterte, under oath, na haharapin niya ang kaso sa International Criminal Court. Sana, bilang abugado, siya ay sumunod sa mga proseso nito.

“I also hope that Malacanang will honor its word and accede to all requests of the ICC, through the Interpol, and ensure that justice will run its full course.

“The thousands of Filipinos killed during tokhang were not murdered by one man alone. Sana ay simula pa lang ito ng paghahabol sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na responsable sa pagpatay sa inosente o walang kalaban-laban.”

FORMER PRESIDENT DUTERTE ARRESTED FOR CRIME AGAINST HUMANITY ON ICC WARRANT

Inaresto si Duterte dahil sa krimen umano nito laban sa sangkatauhan na ginawa niya habang siya ang nakaupo bilang Pangulo ng Pilipinas.

Binansagang EJKs—o ExtraJudicial Killings—ang mga pagkakapatay sa mga taong may involvement umano sa drug trade.

Ayon sa pna.gov.ph ng March 30, 2022, ang EJK figures ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay: “6,229 ang namatay sa isinagawang 226,662 anti-drug operations simula noong July 2016 hanggang January 31, 2022.”

Ayon naman sa CHR (Commission on Human Rights) report ng November 2, 2021, ire-review nito ang “5,655 cases of anti-drug operations where deaths occurred including those being handled by the Administrative Order No. 35 Inter-agency Committee on Extra-Legal Series, Enforced Disappearances, Torture, and Other Grave Violations to Life, Liberty and Security of Persons.”

Ang ICC ay itinatag noong 2002 sa The Hague, Netherlands, upang magsilbi bilang hukuman at huling paraan para sa mga malalala o matitinding pagkakasala, kabilang ang pagpatay sa lahi, mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at agresyon.

Nakikialam ang ICC sa mga usapin o krimeng hindi kaya o ayaw usigin ng mga hukumang pambansa.

Base sa huling ulat, umaga ng Miyerkules, March 12, nang makarating sa Dubai ang eroplanong lulan si Duterte.

Saglit itong magle-layover don bago tuluyang magtungo sa The Hague, Netherlands, kunsaan lilitisin ang dating Presidente.